Patuloy ang paghahanap sa mga tumakas na preso sa Cotabato District Jail, matapos ang pagsalakay doon kahapon ng mahigit 100 mga armadong lalaki na hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Mula sa 158 na tumakas, labingdalawa pa lamang ang muling naaresto.
Habang kahapon, inulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mayroong limang preso na nasawi.
Apat sa mga ito ay kusang sumuko sa mga otoridad, gaya ng mga kalapit na police station at mga opisyal ng barangay.
Ayon sa PNP North Cotabato, sa panayam nila sa mga preso na mulling naaresto, hindi naman lahat ay nagnais na tumakas.
Sa kasagsagan umano ng raid ay may sumigaw na susunugin ang buong pasilidad kaya nagtakbuhan na palabas ang mga bilanggo.
Katuwang naman ng mga tauhan ng BJMP, PNP at AFP ang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa paghagilap sa mga pumugang preso.