Traffic enforcers sa CDO, nagprotesta para sa hustisya sa pagkamatay ng kasamahan
Nagsagawa ng kalahating araw na protesta ang mga traffic enforcers ng Cagayan de Oro City kahapon para ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa hindi pa rin nareresolbang kaso ng pagpatay sa kanilang kasamahan kamakailan.
Ayon kay Roads and Traffic Administration (RTA) chief Atty. Jose Edgardo Uy, nakibahagi sa protesta ang lahat ng kanilang 400 miyembro.
Bukod kasi aniya sa pag-kondena sa pagpatay sa traffic enforcer na si Cris Cabingas sa Cogon market noong December 30, nais aniya nilang ipakita na hindi sila magpapatinag sa nasabing pag-atake.
Ani pa Uy, hindi sila matatakot sa pag-atake dahil sila ang otoridad na ang mandato ay magpatupad ng mga batas trapiko ng kanilang lungsod.
Umaasa naman ang mga kasamahan ni Cabingas na susuko rin ang pumatay sa kaniya.
Naglalakad lamang si Cabingas sa Guillermo St. noong araw na iyon, para bantayan ang sitwasyon ng trapiko sa lugar, nang bigla siyang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa kaniyang likod.
Naglabas rin ng hinanakit ang mga enforcers ng RTA sa isang commentator sa radyo na nagsabing nararapat lang mapatay si Cabingas.
Giit naman ng isa niyang kasamahan, hindi dapat pinatay si Cabingas dahil ginagawa lang naman niya ang kaniyang trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.