DOTr: Miss Universe pageant hindi pagmumulan ng trapik
Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr)na hindi magdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila ang pagdating ng mga kandidata para sa gaganaping Miss Universe pageant sa bansa.
Ipinaliwanag ni DOTr Spokesperson Cherie Mercado-Santos na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan sa kanila ng organizing committee ng nasabing beauty pageant.
May inilatag na rin na plano ang DOTr katuwang ang Civil Aviation Authority of the Philippines, Manila International Airport Authority, Metro Manila Development Authority at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ni Santos na mahigpit ang naging bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat maging dahilan ng problema sa pang-araw araw na buhay ng mga taga-Metro Manila ang gaganaping Miss Universe pageant.
Sa susunod na linggo ay inaasahan na ang pagdating ng mga delagado at iba pang mga bisita para sa nasabing event na gaganapin sa January 30.
Bukod sa Metro Manila, iikot din ang Miss Universe delegates sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na may mga inilatag na rin silang mga security measures para sa nasabing event.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.