Kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang dating Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dating kinatawan ng 2nd District ng North Cotabato dahil sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistant Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel.
Sa resolution na inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales nakitaan ng sapat na katibayan para kasuhan ng katiwalian sina dating DSWD Sec. Esperanza Cabral at dating Congressman at ngayon ay North Cotabato Vice Governor Gregorio Ipong.
Dawit din sa kaso ang undersecretary ni Cabral na si Mateo Montano, Chief Accountant Leonila Hayahay at Roberto Solon ng Economic and Social Cooperation for Local Development Inc.
Sa imbestigasyon ng anti-graft body, hiniling umano ng dating mambabatas na si Vice Gov. Ipong ang P9.4 Million na bahagi ng kanyang pork barrel na i-down load sa DSWD para sa medical mission sa kanyang mga constituents, health materials at mga gamot na nagkakahalaga ng P400,000, capacity building and livelihood assistance para sa 75 na pamilyang mahihirap nilang implementing agency at ECOSOC bilang NGO partner.
Ngunit ng suriin ng Ombudsman, mayorya ng mga benepisyaryo ng programa ay hindi umano totoo habang ghost project naman ang iba pang pinagdalhan ng pondo.
Itinanggi rin ng mga barangay at city officials ng North Cotabato na nakatanggap sila ng nasabing programa mula sa pork barrel ni Ipong.
Wala rin umanong pinansyal na kakayahan ang kinuhang NGO partner na ECOSOC para sa implementasyon ng proyekto.
Binanggit din ni Morales na mismong si Cabral ang pumirma at nagrebyu sa isang Memorandum of Agreement para sa implementation ng programa ng nasabing kongresista.
Bukod sa kasong katiwalian, pinatatanggal din sa serbisyo sa anumang sangay ng pamahalaan ang dating kongresista dahil sa administrative case nito habang kanselado na ang lahat ng mga benepisyo at eligibility ng iba pang dawit sa kaso.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, kinasuhan na rin ng Ombudsman si Ipong dahil din sa maanomalyang paggastos ng P10 Million mula sa kanyang dating PDAF.