Ilang tagasunod ni BIFF founder Umbra Kato, kabilang sa nakatakas sa sinalakay na North Cotabato District Jail

By Dona Dominguez-Cargullo, Inquirer Mindanao January 04, 2017 - 09:37 AM

FILE PHOTO | BJMP
FILE PHOTO | BJMP

Kabilang umano ang mga preso na tagasunod ni Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) Umbra Kato sa mga nakatakas matapos salakayin ng hindi bababa sa 100 armadong lalaki ang North Cotabato District Jail.

Ayon kay Supt. Peter Bongat, ang jail warden sa nasabing bilangguan, planado ang isinagawang pagsalakay at pagpapatakas sa mga preso.

Sa inisiyal na imbestigasyon kasi, natukoy nilang maraming preso ang alam na may aatake sa kulungan.

Maliban sa naganap ang pagsalakay ng madaling araw ng Miyerkules, pinutol pa ng mga umatake ang power source sa bilangguan.

Tinarget ng mga armado ang selda kung saan naroroon ang mga bilanggo na may mga kasong pambobomba, murder at drugs.

Bagaman ang grupong BIFF ang tinitignan na nasa likod ng pagsalakay at pagpapatakas sa mahigit 150 preso, itinanggi naman ito ng nasabing grupo.

Tumutulong na ngayon ang mga tauhan ng Philippine Army para mahagilap ang mga nagsitakas na preso.

Ang kulungan ay mayroon lamang capacity na 700 pero nang maganap ang pagsalakay ay nasa 1,511 ang nakakulong dito.

Noong buwan ng Setyembre, nagsagawa ng protesta ang mga bilanggo dahil sa mahigpit umanong proseso sa pagtanggap nila ng bisita.

 

 

TAGS: BIFF, jail break, Jail raid, North Cotabato District Jail, BIFF, jail break, Jail raid, North Cotabato District Jail

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.