Realignment sa pipeline ng Maynilad, ‘ahead of schedule’

pipe maynilad via rue;
Kuha ni Ruel Perez

Kumpiyansa ang Maynilad na matatapos sa tamang schedule ang ginagawang paglilihis sa kanilang tubo na dahilan ng malawakang water interruption sa malaking bahagi ng Metro Manila at sa Cavite.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Maynilad spokesperson Grace Laxa, na sa ngayon, nasa proseso na sila ng pagwe-welding ng malaking tubo.

Unti-unti aniya ang ginagawang pagwe-welding para matiyak na hindi ito magkakaroon ng tagas. “Tuloy-tuloy po ang realignment, ang malaking tubo po ay wine-welding na, at ahead of schedule po tayo. Ang pagwe-welding po, unti-unti ang laki po kasi ng tubo, saka dapat siguradong-sigurado para hindi magle-leak,” sinabi ni Laxa.

Sinabi din Ni Laxa na dahil maganda naman ang panahon mula kahapon, inaasahan nilang hindi na mababalam ang paglilihis sa tubo.

Una nang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na August 20 ang inaasahan nilang tapos ng realignment ng Maynilad.

Sa sandaling matapos na ang Maynilad, uumpisahan naman ng DPWH ang paggawa sa box culvert para sa flood interceptor project sa Blumentritt, Maynila.

Samantala sinabi ni Laxa na naka-deploy na ang 35 water tankers ng Maynilad para magrasyon ng tubig sa mga lugar na apektado ng mahabang oras ng interruption./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...