Suspek na nagpaputok ng baril na tumama sa dalagita sa Malabon, kinasuhan na

 

Nagsampa na ng kasong kriminal ang Malabon police laban sa lalaking umano’y nagpaputok ng baril noong bisperas ng Bagong Taon, dahilan para tamaan ng bala sa ulo ang 15-anyos na dalagitang si Emilyn Villanueva at ma-comatose.

Ayon sa hepe ng Malabon police na si Senior Supt. John Chua, kasong murder at reckless imprudence resulting in serious physical injuries ang isinampa laban sa suspek na si Renato Sy Jr. alyas “Toti.”

Iginiit naman ni Chua na hindi biktima ng ligaw na bala si Villanueva, bagkus ay target talaga dapat nito ang tanod na si Patricio Muñoz.

Hinahabol kasi aniya ng suspek si Muñoz, dahil isinumbong siya nito dahil umano sa mga ililgal na aktibidad na kinasasangkutan ni Sy.

Nagte-text umano si Villanueva at bahagyang nakayuko nang mangyari ang insidente kaya pumasok ang bala sa tuktok ng ulo ng biktima.

Sa kabila nito, naniniwala ang Department of Health at ang Jose Reyes Memorial Medical Center na kaso ito ng ligaw na bala dahil nga sa tuktok ng ulo ng biktima ito tumama.

Paliwanag pa ni Chua, nasa Biacom, Malabon si Muñoz nang paputukan siya ni Sy. Nasa 400 metro ang layo nito mula sa kinatatayuan ni Villanueva habang nanonood ng fireworks display, habang ang kinalalagyan naman ni Muñoz ay bahagyang mas mataas kumpara sa kung nasaan ang biktima.

Samantala, dahil sa pagkakaiba ng findings ng mga otoridad, pormal na ring nagsagawa ng parallel probe ang National Bureau of Investigation.

Read more...