Panukalang P2,000 SSS pension hike, pinagaaralan pa ni Duterte
Masusi pang pinag-aaralan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P2,000 dagdag sa Social Security System (SSS) pension para sa mga miyembro nito.
Ito ang naging tugon ng Palasyo sa muling pag-usbong ng mga panawagan na aprubahan na ni Duterte ang nasabing pension hike.
Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, naghahanap pa ang pangulo ng isang “win-win solution” para maresolbahan na ang diskusyong ito na naumpisahan mula pa noong Aquino administration.
Nakatakda na rin umano makipagpulong si Duterte sa kaniyang mga economic managers na kinabibilangan nina Finance Sec. Carlos Dominguez, National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia at Budget Sec. Benjamin Diokno, upang hingin ang payo ng mga ito kaugnay sa panukala.
Tiniyak pa ni Andanar na layon ng pamahalaang balansehin ang interes ng mga pensioners at ang kapakanan rin ng ahensya.
Paliwanag pa ni Andanar, ayaw naman ng Palasyo na gamitin ang pera ng mga nagbabayad ng buwis lalo na ng mga hindi naman miyembro ng SSS, para lang saluhin ang pension increase.
Matatandaang nag-alangan si Pangulong Duterte na aprubahan ang panukalang ito, lalo’t sinasabi ng mga economic managers ng administrasyon na posibleng malugi o mabankrupt ang SSS kung ito ay gagawin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.