3 pulis sugatan, suspek patay sa engkwentro sa Tarlac

By Jong Manlapaz January 03, 2017 - 01:11 AM

15841364_385930141761418_1612006438_nSugatan ang tatlong pulis na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa isang gun runner at tulak ng bawal na gamut, matapos na ratratin ng Thompson sub-machine gun sa brgy. Cacamilingan Norte, Camilling, Tarlac.

Kabilang sa nasugatan sina Chief Insp. Bernard Pagaduan na hepe ng Provincial Intelligence Branch ng La Union, Senior Insp. Juan Jhayar Maggay at P02 Ryan Ponce ng Tubao Police Station.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Tarlac Police Provincial Office, magsisilbi ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng La Union at Tarlac Police na pinagungunahan ni Pagaduan laban kay Enrico Gil Magarde alyas “Ikong,” 50yrs old, na tubong Brgy. Francia West, Tubao, La Union at kasalukuyang residente sa Camiling, Tarlac.

Ito ay para sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o Illegal Possession of Firearms and Explosives, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nang matunugan ng suspek na paparating ang mga pulis, agad nitong pinaputukan ang mga operatiba gamit ang Thompson sub-machine gun, at agad na tinamaan ng bala ng baril sa kaliwang hita si Pagaduan, habang sa tiyan naman tinamaan si Maggay at sa leeg tinamaan si Ponce.

Sa kabila ng natamong mga tama ng bala, nakaganti ng putok ang mga pulis na kinasawi ni Magarde na ayon kay PCI Pagaduan halos na sa 5 metro lamang ang layo mula sa kanila.

Ang tatlong pulis ay agad na dinala sa Señor Niño Hospital para malapatan ng lunan, habang si Maggay ay inilipat sa Jecson Memorial Hospital para sa mas mabusising gamutan.

Sa imbestigasyon naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ng nasawing suspek, nakakuha ng baril at pampasabog ang mga Pulis kabilang ang dalawang granada, isang Thompson submachine gun na may laman na 20 live ammunition para sa caliber .45 at silencer.

Nakakuha din ang SOCO ng 20 piraso ng basyo ng 9mm, isang piraso ng fired bullet ng 9mm, 10 piraso ng basyo ng cal. .45, isang piraso ng fired bullet ng caliber .45, 30 piraso ng basyo ng M16, 5 bala ng M16 at isang spring ng M16.

Inaresto naman ng mga pulis ang live-in partner ni Magarde na si Adelaide Mangaoang, 27-anyos, sa posibleng kinalaman nito sa mga nakumpiskang mga pampasabog at bala ng baril.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.