Naantala ang biyahe ng isang eroplano ng Cebu Pacific Air pabalik ng Manila mula Dubai kagabi, January 1.
Ito ay matapos hindi makapag-take off ang Flight 5J015 sa Dubai International Airport dahil sa “technical issue”.
Nabatid na halos isang buong araw na-stranded ang mga pasahero ng nasabing eroplano sa paliparan.
Dahil dito, humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Cebu Pacific Air sa kanilang mga pasahero sa aberyang idinulot ng insidente.
Umapela din ng pang-unawa ang Cebu Pacific Air sa naturang insidente at sinabing ‘top priority’ nila ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Ayon sa budget airline, mayroon nang panibagong eroplano ang nakatakdang maghatid sa mga stranded na pasahero pabalik ng Manila ngayong 10:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Nabatid na biglang itinigil ng piloto ang eroplano makalipas ang ilang segundo bago ito mag-take off dahil sa naramdamang kakaibang ‘vibration’.
Makalipas ang ilang oras na paghihintay sa loob ng eroplano, tuluyan nang pinababa ang mga pasahero bandang alas kwatro ng madaling araw ng January 2, oras sa Dubai.
Nakatakda sanang lumipad patungong Manila mula sa Dubai Airport ang Flight 5J015 na may 418 na pasahero kabilang na ang apat na sanggol alas onse ng gabi ng January 1 bago makaranas ng technical problem.