Bagaman may operasyon, apektado pa rin ang biyahe ng mga bus ng DLTB dahil sa away sa pagitan ng dalawang labor union.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Narciso Morales, presidente ng DLTB bus company, tuloy ang biyahe nila, lalo na ang mga pabalik ng Maynila dahil maraming nagbakasyon sa mga lalawigan ang babalik na sa Metro Manila.
Gayunman, kulang aniya ang kanilang biyahe, dahil maraming driver ang natatakot na bumiyahe bunsod ng pang-haharass sa kanila ng Alliance Genuine Labor Organization (AGLO).
Ang AGLO at ang Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO) ay nagbabangayan sa recognition issue at kung sino ang karapat-dapat na tumanggap ng union dues mula sa kumpanya.
Ang nasabing isyu ayon kay Morales ay nakabinbin pa sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ngayon ayon kay Morales ang PTGWO ang kanilang kinikilala at dito sila may umiiral na Collective Bargaining Agreement (CBA).
Umaapela naman si Morales sa DOLE na desisyunan na sa lalong madaling panahon ang inihain nilang interpleader para matukoy na ng DLTB kung anong grupo ba talaga ang karapat-dapat na kilalanin.