Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni QCPD Director, Sr. Supt. Guillermo Eleazar na ang suspek na si Jaime Padua ay nadakip malapit sa lugar kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang biktimang si Leomar Aquino, 16-anyos.
Naganap ang insidente sa Purok Pag-asa sa Barangay Batasan sa Quezon City noong kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Nakuha mula kay Padua ang isang 35 caliber na baril.
Ayon kay Eleazar, nasa East Avenue Medical Center pa ang biktima na bagaman stable na ang kondisyon ay hindi pa natatanggal ang bala sa kaniyang dibdib.
Sa sandaling maalis na ang bala, magsasagawa ng ballistic examinations ang QCPD at ikukumpara ito sa bala na nakuha mula sa baril ni Padua.
Patuloy naman ang panawagan ni Eleazar sa publiko lalo na sa mga nakasaksi sa insidente na magtungo sa mga otoridad para magbigay ng impormasyon.