Pista ng Nazareno ngayong taon, pinaghahandaan na ng militar at pulisya

Nazareno2Maagang pinaghandaan ng mga militar at mga pulis ang taunang selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno na dinarayo ng milyun-milyong deboto tuwing Enero.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Oscar Albayalde, handa na ang kanilang pwersa sa kapistahan na gaganapin sa Enero 9.

Aniya, naka-full alert na sila at base sa kanilang plano, ang Manila Police District (MPD) ang magsisilbing ground commander, pero makakatuwang nila ang mga pulis mula sa iba’t ibang distrito.

Mahigit 5,000 pulis, pati na mga karagdagang K-9 units, ang ipapakalat sa Kamaynilaan sa araw na iyon upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga debotong dadalo sa pista.

Samantala, katuwang rin ng PNP ang militar sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga deboto, dahil ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Lt. Gen. Eduardo Año, may mga ginagawa na silang plano upang maiwasan ang posibilidad ng terorismo sa pagdiriwang na ito.

Ito’y matapos ang nangyaring pagpapasabog sa isang plaza na dinaluhan ng mga nakiki-piyesta sa Hilongos, Leyte na ikinasugat ng 34 katao.

Bagaman sa ngayon ay wala pa silang namo-monitor na banta sa seguridad, nagpaalala na rin lang si Año na posibleng maglunsad ng pag-atake dito sa Metro Manila ang mga miyembro ng teroristang grupo na Maute group.

Dahil dito, nanawagan ng tulong si Año sa publiko, na maging mapagmatyag sa kanilang paligid at ipabatid agad sa otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na kanilang mapapansin.

Hindi rin nila iniaalis ang posibilidad na gumamit ng signal jammer sa mga dadaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno upang matiyak ang seguridad sa lugar.

Gayunman, iginiit ni Albayalde na walang dapat ikatakot ang publiko, dahil tulad ng sinabi ni Año, wala pa naman silang nakikitang malinaw na pahiwatig ng terorismo at pawang pag-iingat lamang ang kanilang ginagawa.

Read more...