PNP: Holiday season, “generally peaceful”

 

Photo from EcoWaste Coalition
Photo from EcoWaste Coalition

Idineklara ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang nagdaang Pasko at Bagong Taon, dahil wala naman silang naitalang seryosong mga untoward incidents na naganap sa kasagsagan ng holiday season.

Gayunman, ipinunto pa rin ng PNP na may naitala pa rin silang siyam na kaso ng nasugatan dahil sa ligaw na bala, habang isa naman ang nasawi dahil dito, mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang pahayag, binati ni PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga miyembro ng pulisya, ang Department of Health (DOH), iba’t iba pang ahensya ng pamahalaan, at mga local government units dahil sa tagumpay ng kanilang kampanya para mabwasan ang mga firecracker-related injuries ngayong taon.

Una nang inanunsyo ng DOH na nabawasan ng 60 percent ang naitalang firecracker-related injuries ngayong taon, na umabot sa 350, kumpara sa naitala noong nakaraang taon.

Mas mababa rin ito sa naitalang five-year average mula 2011 hanggang 2015.

Ang naturang improvement aniya sa mga naitalang bilang ngayong taon ay dahil na rin sa mas pinaigting na presensya ng pulisya, na sinusuportahan ng mga komunidad na nagpatupad ng mga pagbabawal sa mga iligal na paputok, maging sa indiscriminate firing ng mga baril.

Malaki rin aniya ang naiambag ng heightened awareness ng publiko, sa pamamagitan ng mga information campaign ng pamahalaan at mga nongovernment organizations.

Samantala, kinumpirma ni Dela Rosa na may siyam na nasugatan at isang nasawi dahil sa ligaw na bala.

Bagaman nabanggit sa pinakahuling datos ng PNP National Operations Center na ang isang nasawi dahil sa ligaw na bala ay mula sa Metro Manila, wala na silang ibang binanggit na detalye tungkol dito.

Ang ibang kaso namang naitala ay mula sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Central Visayas, SOCCSKSARGEN at Cordillera.

Read more...