15-anyos na dalaga, kritikal matapos tamaan ng ligaw na bala
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga otoridad na bawal ang indiscriminate firing o pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon, may mga tinamaan pa rin ng stray bullets o ligaw na bala.
Isa sa mga biktima ay ang 15-anyos na si Emelyn Villanueva, na kritikal ngayon ang kundisyon matapos tamaan ng ligaw na bala sa Barangay San Agustin, Malabon.
Nanunuod lamang si Villanueva ng fireworks display nang bigla na lamang bumagsak at nawalan ng malay, yun pala’y tinamaan na siya ng ligaw na bala.
Kabilang pa sa naitalang biktima ng ligaw na bala ay isang 16-anyos na residente ng Barangay Batasan Hills, na isinugod sa East Avenue Medical Center; isang 15-anyos na dalaga at isang 49-anyos na lalaki na dinala sa Dr. Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
May naireport din na dalawang biktima ng stray bullets sa Taguig-Pateros Hospital, habang isa sa San Mateo, Rizal na ginamot sa Amang Rodriguez Medical Center.
Nauna nang nagbabala si Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na mananagot sa batas ang sinumang magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa 2017, mapa-sibilyan man ito o pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.