Pinagbigyan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga school service operators na magamit ang kanilang mga luma nang sasakyan ngayong taon.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, hindi na muna ipatutupad ng ahensya ang phase-out order sa mga school service na labing limang taon na pataas.
Sinabi ni Ginez na papayagan pa ng LTFRB na magamit ang mga 15 years old pataas na school service hanggang sa March 31, 2016.
Kailangan lamang aniyang magsumite ang mga school service operators ng undertaking sa LTFRB na nagsasabing kanilang papalitan na ang ang mga school service sa susunod na taon.
Ayo kay Ginez, inaprubahan nila ang hirit na palugit ng mga school service operators dahil batay sa kanilang pag-aaral, malaki ang epekto sa pasukan kung babawalan ng makabiyahe ang mga service nalabing limang taon pataas na.
Sa datos ng ng LTFRB hanggang noong December 31, 2014, mayroong 6,264 registered school service at 1,997 sa mga ito ay mahigit 15 taon na. /Erwin Aguilon