Security guard na nagpaputok ng baril, at 2 iba pa arestado sa magkahiwalay na operasyon sa Tondo

By Dona Dominguez-Cargullo December 30, 2016 - 11:55 AM

tondoInaresto ng mga tauhan ng Manila Police District ang tatlong katao sa Tondo Maynila, kabilang ang isang security guard na nagpaputok umano ng baril.

Sa kulungan sasalubungin ng security guard na si Ariel Roslin ang Bagong Taon, matapos itong madakip dahil sa pagpapaputok ng baril sa H. Lopez Street, Balut, Tondo.

Nakuha mula kay Roslin ang 38-caliber pistol, isang basyo ng bala at dalawang bala.

Mayroon umanong residente ang nagsumbong sa MPD na nakarinig sila ng putok ng baril sa lugar kaya agad rumesponde ang kanilang mga taugan.

Ayon kay Supt. Robert Domingo, hepe ng MPD station 1, inamin ni Roslin na napaputok nga niya ang baril pero hindi umano sa kaniya ang armas.

Samantala, dalawa pang suspek na nakilalang sina George Melgarejo at Edgardo Velasco, ang dinakip naman sa isinagawang Oplan Galugad sa Sevilla at Perla Streets sa Tondo matapos makuhanan ng baril at balisong.

Nasabat mula kay Melgarejo ang isang .38-caliber pistol at tatlong bala.

Habang isang balisong naman ang nakuha kay Velasco.

Pinayuhan naman ni Domingo ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport sa pulisya kung may magpapaputok ng baril sa kani-kanilang lugar lalo na ngayong pagsalubong sa Bagong Taon.

 

TAGS: Security Guard Arrested, Tondo Manila, Security Guard Arrested, Tondo Manila

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.