Limang bus na pag-aari ng DLTB bus company ang pinasabog at sinunog umano ng mga nagwewelgang trabahador sa Lemery Batangas kagabi.
Ayon kay SPO1 Jeffrey Banaag, agad nakaresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa terminal para apulahin ang sunog.
Simula pa Miyerkules ng gabi nagsagawa na ng pagwewelga ang mga trabahador ng DLTB.
Sa Pasay City, naperwisyo ang libu-libong mga pasahero, dahil maraming bus ang hindi nakabiyahe.
Ayon naman sa pamunuan ng DLTB, iligal ang ginawang pagwewelga ng mga empleyado dahil hindi umano kinikilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon ng mga ito.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Narciso Morales, president ng DLTB bus company, nag-utos na si Labor Sec. Bebot Bello na itigil ang mga strike.
Maliban dito, ang mga nagwewelga aniya ay hindi ang totoong unyon ng DLTB na sakop ng kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA).
Ayon pa kay Morales, hinaluan ng outsider, mga bayaran at mga armado ang mga nagwewelga at hindi sila totoong mga empleyado o driver at konduktor ng kumpanya.
Nag-ugat aniya ang problema dahil sa sigalot sa pagitan ng lehitimong labor union na PTGWO at AGLO, dahil nais ng AGLO na makuha ang P300,000 na union dues kada buwan.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Bello sa Radyo Inquirer na inaayos na ng kagawaran ang problema upang hindi na magdulot pa ng abala sa mga pasahero.
Ani Bello, patuloy ang kanilang reconciliation at mayroon silang negosyador na nakikipag-usap sa nagwewelgang grupo.
Tiniyak din ni Bello na papatawan ng parusa ang mga nagwewelga dahil sumusuway sila sa utos ng DOLE na itigil ang strike.
Pwede rin humingi ng tulong ang DLTB bus sa pulisya gamit ang kautusan ng DOLE na nagpapatigil ng strike, kung magpupumilit ang grupo na ituloy ang welga.
“Sabi ko i-conciliate nila sa NLCRC, mukhang sinusuway nila utos naitn e. Ang negotiator namin nakikipag usap na. May isang isyu na lang na inaayos,” ani Bello.
Ang importante ayon kay Bello, matigil sa lalong madaling panahon ang strike para ang mga magsisiuwian sa mga lalawigan mula ngayong hapon hanggang bukas ay hindi maabala.