35 Russian diplomats, pinalalayas na ni Obama sa US dahil sa pakikialam sa US elections
Sa isang pambihirang pagkakataon, pinalalayas na ni outgoing US President Barack Obama ang nasa 35 Russian diplomats at ipinag-utos na rin ang pagpapasara ng dalawang Russian compounds sa Amerika.
Sa isang executive order, binibigyan na lamang ng 72 oras ni Obama ang mga naturang diplomats at kanilang mga pamilya na lisanin ang Estados Unidos.
Ito’y dahil sa pakiki-alam umano ng mga ito sa nakaraang eleksyon sa Amerika sa pamamagitan ng cyberhacking.
Bukod dito, pinatawan rin ng ‘sanction’ ng US ang anim pang Russian at limang Russian entities dahil sa tinawag na “Significant Malicious Cyber-enabled Activities.”
Kabilang sa mga sangkot umano sa cyberhacking na tinukoy ng White House at US Treasury Department ay ang GRU at FSB, dalawang intelligence services ng Russia, apat na opisyal ng GRU, tatlong kumpanyang nagbigay umano ng suporta sa operasyon nito at dalawa pang indibidwal.
Sa statement na inilabas ng White House, sinabi dito na hindi katanggap-tanggap at hindi basta-basta pahihintulutan ng Amerika ang pakikialam ng Russia sa eleksyon.
Isinakatuparan ng Russia ang cyberactivities upang maimpluwensyahan ang resulta ng nakalipas na halalan ayon pa rin sa statement.
“Russia’s cyberactivities were intended to influence the election, erode faith in US democratic institutions, sow doubt about the integrity of our electoral process, and undermine confidence in the institutions of the US government,”
“These actions are unacceptable and will not be tolerated.” Nilalaman ng White House statement.
Ayon pa kay Obama, sa kabila ng mga nakaraang babala sa mga naturang personalidad, ipinagpatuloy pa rin ng Russian government ang kanilang cyberhacking activities.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.