Pinayagan ng Sandiganbayan si detained former Senator Bong Revilla Jr., na makadalaw muli sa ospital kung saan naka-confine ang kaniyang ama na si dating Senador Ramon Revilla Sr.
Sa pasya ng anti-graft court, pinagbigyan nito ang hirit na furlough ni Revilla na makapunta sa St. Luke’s Medical Center sa Global City sa Taguig kung saan ginagamot ang kaniyang ama dahil sa sakit sa kidney.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong buwan na napayagan ng korte si Revilla na madalaw ang ama sa pagamutan.
Ngayong araw, December 29, pinayagan si Revilla na makaalis sa detention cell niya sa Camp Crame ng alas 6:00 kaninang umaga at tumagal ang pagbisita niya sa ospital hanggang alas 12:00 ng tanghali.
Maliban dito, pinayagan din si Revilla na bumalik sa ospital sa December 31 at sa January 1, mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi.
Kabilang sa kondisyon ang paglalatag ng seguridad ng PNP kay Revilla at ang pagbabawal ditong gumamit ng anumang communication at electronic gadgets.