Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng 500 milyong pisong pondo na ilalaan para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang bukirin sa Bicol region na naapektuhan ng bagyong ‘Nina’.
Ayon kay Agrculture Secretary Emmanuel Piñol, P300 milyon sa naturang pondo ang magmumula sa Office of the President samantalang nasa P200 million naman ang mula sa Agriculture Department.
Bukod dito, P55 milyon aniya ang gagamitin para sa mga punla ng palay at fertilizer para sa limang libong ektarya ng palayan.
Maglalaan rin ng pondo para sa abaca industry sa Catanduanes at pagsasaayos ng mga nasirang palaisdaan na nasira rin ng bagyo.
Sa tala ng DA, umaabot sa 168,581 tonelada ng palay na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon ang nawala sa mga magsasaka sa pagsalanta ng nakaraang bagyo.
Nasa 75,703 tonelada naman ng mais na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon ang nasira rin ng kalamidad.
Sa Southern Luzon pa lamang, tinatayang umaabot na sa 4-bilyong halaga ng pananim ang nasira ng bagyong ‘Nina’.