Pinaplano ng gobyerno na buksan ang dalawa pang private properties sa Quezon City at isang government property sa Makati City para mabawasan ang bigat ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA officer-in-charge Tim Orbos, pumayag na ang mga opisyal ng Ayala Land Inc. aa buksan ang Vertis North sa Quezon City sa mga light vehicles na dumadaan sa Northbound lane ng EDSA patungong North Avenue at Balintawak.
Dagdag pa ni Orbos, ang naturang panukala ay nakikitang makakapagpagaan sa bahagi ng EDSA sa Quezon City dahil sa pagpayag sa mga sasakyan na makadaan dito.
Isang access road ang bubuksan sa pagitan ng Quezon Avenue station at North Avenue station para makapagbigay ng alternatibong ruta para sa mga motorista na gustong pumunta sa kalapit na mall.
Sinabi ni Orbos na ang preparasyon ay tinatapos na at maaring mabuksan na sa darating na Pebrero sa susunod na taon.
Sa Makati naman, sinabi ni Orbos na naghahanap sila ng access road sa South Superhighway malapit sa Philippine National Railway (PNR) Magallanes station para makapagbigay ng karagdagang lanes sa EDSA.
Kaugnay nito, ang pagbubukas ng nasabing diversion road ay aabutin ng anim na buwan dahil sa isasagawang pagsasaayos sa mga kalsada at pagtaas at pag-align ng riles.