Bilang ng mga nabiktima ng paputok, 90 na; Maynila, QC at Mandaluyong, top 3 sa pinakamaraming kaso ng sugatan
Simula December 21 hanggang umaga ng December 28, umakyat na sa 90 ang naitatalang firecracker-related injuries ng Department of Health (DOH).
Sa nasabing bilang, 89 ang naputukan, habang 1 ang nakalunok ng paputok o insidente ng firecracker ingestion.
Gaya ng naunang anunsyo, inilabas ng DOH ang mga lungsod at bayan sa bansa na nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng mga nabibiktima ng paputok.
Sinabi ni Health Sec. Paulyn Ubial, sa 89 na nasugatan nang dahil sa paputok, 45 dito o 50% ay mula sa Metro Manila.
Ang lungsod ng Maynila ang may naitalang pinakamaraming kaso ng sugatan na 18, sumunod ang Quezon City na may 12 kaso at ikatlo ang Mandaluyong na mayroong 5 kaso.
Ang Region 6 naman ang sumunod sa NCR na may pinakamaraming naitalang firecracker-related incidents, at sa nasabing Rehiyon, ang Bacolod City ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso na umabot sa 3 habang tig-2 kaso naman ang Bago City at Iloilo City.
Ikatlong Rehiyon na may pinakamaraming kaso ng sugatan sa paputok ang CALABARZON o Region 4-A.
Sa datos ng DOH, ang Antipolo at San Mateo Rizal ay kapwa nakapagtala ng tig-2 biktima.
Ang naitalang bilang ng mga nasugatan sa paputok sa loob ng pitong araw nang monitoring ng DOH ay mas mababa pa rin naman ng 39% kumpara sa parehong petsa noong nakaraang taon.
Wala pa ring naitatala ang DOH na kaso ng stray bullet.
Nananatiling ang Piccolo ang pangunahing dahilan ng pagkasugat ng mga biktima lalo na sa mga bata. Sinundan ito ng Boga, Whistle Bomb, Kwitis, at iba pa.
Sinabi ni Ubial na inilabas nila ang mga lungsod at bayan na may matataas na insidente ng firecracker-related injuries para mahikayat ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kampanya nila laban sa paggamit ng paputok.
Sa mga lungsod sa NCR, sinabi ni Ubial na tanging ang Marikin City lamang ang naghihikayat ng community fireworks display.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.