Tiniyak ni Senador Nancy Binay na aktibo siyang makikilahok sa hearing ng quo warranto case na inihain sa Senate Electoral Tribunal kaugnay sa citizenship ni Senador Grace Poe.
Ayon kay Binay, bilang isang halal na opisyal, tungkulin niya na dumalo sa lahat ng pagdinig.
Tiniyak pa ni Binay na babasahin niyang mabuti ang mga ebidensya at makikinig sa parehong panig at hindi padadala sa daloy ng pulitika.
Iginiit pa ni senador Binay na hindi siya maniniwala sa mga sabi-sabi at haka-haka sa kuwestiyon sa citizenship ni Poe.
Ibabase niya aniya ang desisyon sa ebidensya at Konstitusyon.
Matatandaang noong nakaraang linggo, naghain ng reklamo sa SET ang talunang senatorial candidate na si Rizalito David para kwestyunin ang citizenship ni Poe.
Iginigiit ni David na ‘stateless’ si Poe dahil hindi pa matukoy hanggang ngayon ang kanyang mga magulang.
Si Poe ay ampon nina action king Fernando Poe Jr., at Susan Roces.
“I would like to assure the people that I will remain fair and reasonable in appreciating the case. As a senator-member, I choose to do my job and involve myself in the deliberations,” ayon kay Binay.
“I dont think it’s appropriate to imply that Sen. Grace can’t expect impartiality from SET. The Constitution made sure that the six senators who are part of the nine-member electoral tribunal are chosen based on equitable representation from the political parties they represent in the Senate. Kung meron man pong lehitimong kwestyon patungkol sa pagka-Pilipino ng isang nanunungkulan sa Senado, tungkulin po ng SET na ito’y dinggin at tingnan ang kasapatan ng mga ebidensya ayon sa sinasabi ng batas,” paliwanag pa ni Binay.
“Wala naman pong dapat ikabahala si Sen. Grace… Di naman dapat maging kumplikado ito. All she needs to do is to show evidence–yun lamang ang kailangan”, dagdag pa ng senadora./ Chona Yu