Shame campaign sa mga LGUs na nakapagtala ng mataas na firecracker related incidents, sisimulan na ngayon ng DOH
Sisimulan na ngayong araw ng Department of Health (DOH) ang pagtukoy sa mga lokal na pamahalaan na maituturing na “pinakadelikado sa pagsalubong sa Bagong Taon”.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni DOH Spokesperson Asec. Eric Tayag na mamaya ilalabas na nila ang listahan ng mga lungsod o bayan na nakapagtala ng madaming biktima ng paputok.
Ginawa aniya ang pagta-tally base sa dami ng ng nabiktima ng paputok sa isang lugar kumpara sa naitala sa parehong petsa noong nakaraang taon.
Muli namang nanawagan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na suportahan ang kampanya ng ahensya upang maiwasan ang dami ng nasusugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Bagaman tatlong araw na lang aniya ang nalalabi bago ang pagsalubong sa taong 2017, sinabi ni Tayag na may magagawa pang paraan para maiwasan ang mga madidisgrasya sa paputok.
Samantala sa naitalang 70 nasugatan sa paputok, isa dito ay 23 anyos na gumamit ng ipinagbabawal na piccolo at naputulan ng apat na daliri sa kaniyang kanang kamay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.