Dahil sa tindi ng pinsalang naidulot ng bagyong Nina, isinailalim na rin sa state of calamity ang buong lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Batangas Vice Governor Nas Ona, inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara ng state of calamity sa lalawigan.
Bagamat hindi lubhang naapektuhan ang buong lalawigan ng bagyong Nina, sinabi ni Ona na batay sa itinatadhana ng batas kapag may dalawang munisipalidad o lungsod ang nagdeklara ay maaring ilagay sa state of calamity ang buong probinsya.
Kahapon, isinailalim ng bayan ng Tingloy at Batangas City ang kanilang mga lugar sa state of calamity.
Sinabi ni Ona na magagamit ng Batangas ang kanilang calamity fund na aabot sa P43 milyon upang ipantulong sa mga apektadong Batangueño.
Bukod sa Batangas City at Tingloy naapektuhan din anya ng nagdaang bagyo ang kanilang mga kababayan sa coastal barangay ng 1st at 2nd district.