Destabilization plot laban kay Pang. Duterte, pinaiimbestigahan ni House Speaker Alvarez
Nais ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maimbestigahan ng kongreso ang lumabas na ulat na destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y kasunod ng lumabas na si dating United States Ambassador Philip Goldberg ay may rekumendasyon daw sa Washington na pabagsakin si Duterte.
Sa isang blueprint daw, may timetable na isa at kalahating taon para masipa sa palasyo ang pangulo.
Katwiran ni Alvarez, sa pamamagitan ng congressional inquiry ay kailangang malaman ang puno’t dulo ng report dahil kung may katotohanan ito, magkakaroon umano ng malaking gulo.
Sinabi pa ng lider ng kamara na sakaling tunay ang lumutang na balita, hindi aniya tama iyon at malinaw na panghihimasok ito sa soberenya.
Inaalala ni Alvarez ang nangyari noon kay dating Pangulong Joseph Estrada na napatalsik sa Malakanyang, nang may panghihimasok ng Estados Unidos.
Hanggang ngayon ay gusto raw ng Amerika na isang puppet ang nakaupo sa administrasyon, pero nabigo dahil ang nahalal bilang presidente ng Pilipinas ay si Duterte.
Sa kabila nito, tiwala si Alvarez na hindi basta-bastang yuyuko si Duterte at hindi nito hahayaaan na magtagumpay ang mga kalaban.
Habang naka-adjourn pa ang kongreso, sinabi ni Alvarez na may intelligence community naman ang Office of the President upang mabatid ang anumang balakin laban kay Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.