Bagyong Nina, paalis na ng bansa; nag-iwan ng 4 na nasawi sa Bicol at 2 sa Quezon
Nasa West Philippine Sea na ang bagyong Nina at nakatakdang lumabas ng bansa mamayang gabi.
Wala na ring nakataas na public storm warning signal dahil sa nasabing bagyo ayon sa PAGASA.
Apat naman ang naitalang nasawi sa lalawigan Bicol sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense sa Region 5, ang isa sa mga biktima na si Espelita Marilad, 57 anyos ay nabagsakan ng pader ng gumuho niyang bahay sa Balangibang, Polangui Albay.
Nasawi rin ang mag-asawang Antonio Calingacion, 73 anyos at Teresita Calingacion, 70 anyos mula sa Barangay Balinad sa bayan din ng Polangui nang sila ay malunod matapos anurin ng malakas na agos ng Viga River ang kanilang tahanan.
Sa Barangay San Roque naman sa nasabi ring bayan, nasawi ang 60 anyos na si Gregorio Tadeo nang mabagsakan ng poste ng kanilang bahay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Kahapon, dalawang katao ang napaulat na nasawi rin sa lalawigan ng Quezon.
Isa dito ay ama ng tahanan na nabagsakan ng puno ng niyog habang inililikas niya ang kaniyang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.