Camarines Sur at Albay, isinailalim na sa state of calamity
Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Camarines Sur dahil sa pananalasa ng Bagyong Nina.
Ayon kay Camarines Sur Governor Miguel Villafuerte, nasa 330,798 pamilya o 985,561 katao na ang apektado ng pananalasa ng bagyong Nina sa kanilang lalawigan.
Inilikas naman ang 60,156 na pamilya o katumbas ang 259,572 katao.
Naitala naman ng Camarines Sur Disaster Risk Reduction and Management Council na 2,506 kabahayan ang napinsanla sa 24 mula sa barangay nito.
Sa Camarines Sur naganap ang ikalawang landfall ng bagyong Nina matapos nitong unang tumama sa Catanduanes.
Samantala, nagdeklara na rin ng state of calamity ang probinsya ng Albay.
Batay sa datos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, 41,903 pamilya o 165,869 katao ang inilikas simula pa noong Sabado.
Ayon naman sa hepe ng pulisya ng Albay na si Senior Supt. Antonio Cirujales, tatlo ang naitalang patay habang binabayo ng bagyo ang lugar.
Isa rito ang 57-anyos na babaeng nasawi matapos tamaan ng gumuhong pader ng kanyang bahay sa Polangui kagabi.
Nalunod naman ang mag-asawa sa Viga River sa Polangui alas-6:00 ng umaga ng Lunes.
Kinukumpirma pa ng Albay Public Safety and Emergency Management Office ang tatlong insidente ng pagkasawi kung maituturing nga ang mga itong dulot ng bagyong Nina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.