Aabot sa 90 percent ng mga international at domestic flights ang naapektuhan ng bagyong Nina.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, aabot sa nasa 300 mga flights ang nakansela o ‘di kaya naman ay delayed.
Sa kabuuan, nasa anim na libong mga pasahero ang naapektuhan ng flight cancellations at delay.
Ngayong maghapon, patuloy din ang gagawing pag-update ng MIAA sa bilang ng mga apektadong biyahe ng mga eroplano, gayundin kung mayroon nang flights na makakapag-resume mamayang gabi.
Pinayuhan naman ni Monreal ang mga pasahero na mayroong biyahe ngayong araw na huwag na lamang munang magtungo sa paliparan.
Mabuting tumawag muna aniya sa mga airline company para alamin kung tuloy ang kanilang biyahe para maiwasang ma-stranded sila sa airport.