Tuloy ang ‘word war’ sa pagitan ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at ng kampo ni Vice President Jejomar Binay.
Tahasan na tinawag ni Lacierda na pikon si Binay matapos na mag-react ang kampo ng bise presidente sa kaniyang facebook post.
Ayon kay Lacierda, ayaw na sana niyang sagutin si Binay dahil halatang desperado na ito at pati ang kanyang mga FB post ay pinapatulan ng bise presidente.
Nilinaw naman ni Lacierda na ang kaniyang post patungkol kay Binay ay ginawa niya gamit ang kaniyang facebook personal account na “Edwin Lacierda” kaya ang nakalahad doon ay personal niyang saloobin.
Aniya, kung meron man siyang opisyal na pahayag ito ay kanyang inilalabas sa pamamagitan ng Office of the Presidential Spokesman at hindi gamit ang personal niyang facebook account.
Halata na aniya na pikon na ang pangalawang pangulo dahil tila nakalimutan na nito ang cardinal rule na ‘dont shoot the messenger’.Pakutya din nitong pinasalamatan si Binay sa atensyon pero iginiit nito na hindi nya ito kailangan.
Sa pinakahuling post ni Lacierda gamit ang kaniyang personal na FB account, sinabi nitong wala talagang forever, dahil ang halos tatlumpung taon na pamumuno sa Makati ng mga Binay ay naputol na ngayon matapos masuspinde ng anim na buwan si Mayor Junjun Binay.
“Sir, sa totoo lang, talaga naman pong walang forever, dahil for the first time in almost 30 years, hindi Binay ang mayor sa Makati, kahit 6 months lang,” ayon sa post ni Lacierda./ Alvin Barcelona