Veterans Hospital na nagsilbi bilang kanyang detention center, nais protektahan ni CGMA
Nais ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na maprotektahan ang ospital na nagsilbi bilang kanyang detention center mula sa posibilidad na gawin itong isang transport terminal.
Sa kanyang inihaing panukalang batas sa Kongreso, hinihiling nitong maisaayos ang Veterans Memorial Medical Center at mabigyan ito ng mas malawak na otonomiya.
Ayon kay Arroyo, nais niyang pigilan ang umano’y plano ng Ayala Group na gawing bahagi ng North Integrated Transport System Terminal ang 55-ektaryang lupain ng Veterans Hospital.
Sa ilalim ng kanyang House Bill 1240, nais ni Arroyo na pigilan ang anumang planong maibenta ang alinmang bahagi ng naturang pagamutan.
Dapat aniya ay manatiling kontrolado ng VMMC ang naturang lupain at tanging ang mga beterano at kanilang malalapit na kaanak lamang ang makikinabang dito.
Matatandaang nadetine ang dating Pangulo sa VMMC nang makasuhan ito ng plunder sa ilalim ng dating administrasyong Aquino.
Nito lamang July, sa pagpasok ng Duterte administration, pinalaya ng Korte Suprema si Arroyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.