Grab, Uber tiniyak ang kooperasyon sa LTFRB sa gitna ng isyu ng price surges
Kapwa tiniyak ng pamunuan ng transport network companies na Grab at Uber ang kooperasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kaugnay sa pagtaas sa kani-kanilang rates ngayong holiday season, na inirereklamo ng mga pasahero.
Nitong weekend, nagbabala ang LTFRB na posibleng kanselahin ang accreditation ng mga ride-sharing application kung magpapatuloy ang umano’y hindi makatwirang surge sa rates, lalo na ng Grab at Uber.
Sa isang statement, sinabi ng Grab na tatalima sila sa requests at kautasan ng LTFRB.
Pero binanggit ng Grab na boluntaryo na silang nagkaroon ng ‘cap’ sa kanilang service rates na epektibo mula December 24 hanggang January 30, 2017 upang masiguro raw ang pinakamaayos na serbisyo sa mga mananakay.
Hiniling naman ng Grab sa mga pasahero na i-double check ang pickup at dropoff points bago kumpirmahin ang booking.
Sa hiwalay na statement, sinabi ng Uber na mayroon silang constant dialogues sa LTFRB mula pa noong Hulyo upang makahanap ng mga solusyon hinggil sa tumataas na demand para sa ridesharing options at upang maiwasan ang price increases.
Ayon sa Uber, suportado nila ang mga polisiya habang nag-iinvest sila ng mga technological solutions tulad ng UberPOOL at UberHOP upang mabawasan ang traffic congestion kasabay ng pagkakaroon ng abot-kayang pasahe.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na nakatatanggap sila ng mga reklamo laban sa Grab at Uber ukol sa umano’y surge sa rate mula P2,000 hanggang P28,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.