CPP-NPA binalaan ng AFP na huwag maglunsad ng mga pag-atake sa kanilang anibersaryo.
Binalaan ng Armed Force of the Philippines (AFP) ang Communist Party of the Philippines na huwag maglunsad ng mga opensiba kasabay ng kanilang 48th founding anniversary sa Lunes, December 26.
Sinabi ni AFP Spokesman BGen. Restituto Padilla na dapat sundin ng mga rebelde ang nauna nang napagkasunduan na ceasefire.
Sa anibersaryo ng AFP noong nakalipas na araw ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinag-utos niya sa mga kasapi ng militar at pulisya ang kanselasyon sa lahat ng mga operasyon laban sa rebeldeng grupo.
Epektibo ang tigil-putukan mula December 23 hanggang December 27 para sa panahon ng Kapaskuhan at December 31 hanggang January 3, 2017 para naman sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa mga nakalipas na panahon ay karaniwan nang nagsasagawa ng mga pag-atake ang mga miyembro ng CPP-NPA tuwing araw ng kanilang anibersaryo.
Mananatili namang kanselado ang bakasyon ng mga tauhan ng AFP at PNP para matiyak na sapat ang kanilang pwersa para bantayan ang seguridad ng publiko ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.