Paglilikas sa mga residente ng CamSur bago tumama ang bagyong Nina, pinasisimulan na
Ipinag-utos na ni Camarines Sur Gov. Miguel Luis Villafuerte ang mandatory evacuation sa mga residenteng nasa mga delikadong lugar na posibleng makalanas ng pagbaha at landslides.
Naglabas na ng memorandum si Villafuerte para atasan ang mga lokal na opisyal partikular ang mga alkalde at mga barangay captains na ilikas na ang mga pamilyang nasa lugar na napapaloob sa 1-kilometer strip ng lupa malapit sa baybayin.
Gayundin ang mga residenteng naninirahan sa gilid ng mga ilog at lawa, o kaya sa mga mababang lugar na madaling makaranas ng pagguho ng lupa.
Kasama rin sa mga pinapalikas ang mga pamilyang naninirahan sa mga bahay na gawa sa light materials o iyong madaling mabuwag ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour ang lakas.
Ayon pa sa memorandum, kailangang maisagawa na ito ng mga otoridad bago mag-alas 3:00 ng hapon mamaya, lalo’t inaasahang magla-landfall sa Bicol region ang bagyong Nina bukas, araw ng Pasko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.