Pahayag ni Duterte tungkol sa martial law, inulan ng batikos
Umani ng mga pag-batikos ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, na nais niyang maamyendahan ang Saligang Batas upang mabago ang probisyon sa kapangyarihan sa pagpapatupad ng martial law.
Sa naging pahayag ng pangulo, nais niyang maging solong kapangyarihan na lamang ng pangulo ang pagdedeklara ng martial law para hindi na kailangang idaan pa sa Kongreso at Korte Suprema, tulad ng nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon.
Isa sa mga bumatikos kay Duterte ay mismong si Vice President Leni Robredo, na sinabing ang banta ng panunumbalik ng martial law ang pinakamasamang regalo sa mga Pilipino ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon pa kay Robredo, nakababahala na sinusubok ni Pangulong Duterte ang democratic safeguards sa ating Konstitusyon, na sinumpaan niyang susundin noong siya ay mahalal.
Isa aniya itong insulto sa mga Pilipinong nakaranas ng martial law sa ilalim ng diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon naman kay Magdalo Rep. Gary Alejano, dapat mag-ingat ang publiko sa mga pahayag ni Duterte, at dapat ring tandaan na nag-mistulang “virtual dictator” ang pangulo sa Davao City noong siya pa ang alkalde nito, kung saan libu-libo ang nasawi sa hindi malamang kadahilanan.
Aniya pa, mayroong dictatorial tendency si Duterte kaya lagi nitong inuungkat ang isyu ng martial law, at posibleng dahilan rin kung bakit pinayagan niya ang paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Para naman kay Buhay Rep. Lito Atienza, nauunawaan nila ang nais sabihin ng pangulo ngunit hindi nila maaatim na mangyari muli ang martial law.
Naniniwala naman si Cagayan de Oro Rep. Maximo Rodriguez na hindi hahayaan ng Korte Suprema na mangyari ito dahil isa itong kataksilan sa Saligang Batas.
Ayon naman kay Sen. Grace Poe, mali ang katwiran ni Duterte sa paghahangad na baguhin ang Konstitusyon, lalo na kung ang layunin lang niya ay ang maipanalo ang laban kontra iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.