Mapayapang natapos ang pangha-hijack na naganap sa isang Libyan plane na pilit pinalapag sa Malta sa bantang pasasabugin ito ng mga hijackers.
Dalawang kalalakihang armado ng granada at mga baril ang nang-hijack sa Afriqiyah Airways flight 8U209, Biyernes ng umaga, at pinalapag ang sinasakyan nilang Airbus A320 sa Malta, imbis na sa destinasyon nitong Tripoli mula sa Sabha sa Libya.
Pinangunahan ng mga militar ang negosasyon sa mga hijackers nang lumapag ang eroplano, at nagbanta pa ang mga ito na pasasabugin ang eroplano gamit ang mga granada.
Pawang mga loyalista ni yumaong Libyan leader Muammar Gaddafi ang dalawang hijackers na nais umanong ideklara ang kanilang bagong partido.
Pero matapos ang standoff sa pagitan ng mga hijackers at mga otoridad, napalaya na rin ang nasa 111 na pasahero at crew na sakay ng eroplano, na sinundan ng paglabas ng dalawang lalaking naka-posas.
Ayon kay Maltese Prime Minister Joseph Muscat, ini-interrogate na ang mga hijackers, at napag-alaman nilang pawang mga replicas lang ang bitbit na armas ng mga ito.
Sa kasagsagan ng sitwasyon, ilang flights patungo at paalis mula sa Malta International Airport ang naantala, habang ang iba naman ay na-divert sa Italy.