De Lima: Duterte, “unfit to serve” bilang pangulo
Nanawagan si Sen. Leila de Lima sa Gabinete na ideklarang “unfit to serve” si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y may kaugnayan sa pinakahuling mga tirada ni Pangulong Duterte laban sa United Nations high commissioner for human rights at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa kaniyang pahayag, muling pinuna ng senadora ang paggamit ni Duterte ng matapang na painkiller na fentanyl, at sinabing nakakaapekto na ito sa takbo ng utak ng pangulo.
Giit ni De Lima, lahat ng mga pahayag ngayon ng pangulo ay pawang “fentanyl-induced” na, at hindi na siya maituturing na nasa normal na pag-iisip.
Hindi na aniya maipaliwanag ang mga “outrageous statements” ng pangulo laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at maging sa Un human rights commissioner na itinuturing na pinaka-propesyonal na mga tao sa kanilang industriyang kinabibilangan.
Dahil dito, dapat na aniya talagang ikonsidera ng Gabinete na ideklara si Duterte na “unfit to perform the duties of the President” at iparating rin ito sa Kongreso.
Ito aniya ay para mailigtas ang buong bayan sa mga kaguluhang idudulot ng isang “madman” o taong baliw.
Matatandaang kamakailan ay pinaulanan ng mura ni Duterte si UN human rights chief Zeid Ra’ad al-Hussein dahil sa paghimok sa mga otoridad sa Pilipinas na imbestigahan siya dahil sa pag-amin niya na pumatay siya noong siya pa ay alkalde sa Davao City.
Pagkatapos nito ay galit na inakusahan ni Duterte ang mga opisyal ng BSP at AMLC ng katiwalian at kapalpakan dahil sa kabiguan nilang magbigay ng “assessment report” sa kaniyang opisina tungkol umano sa mga bank accounts ni De Lima.
Giit pa niya, bilang dating kalihim ng Department of Justice (DOJ), kailanman ay hindi nakitaan umano ni De Lima ang AMLC ng pagiging uncooperative sa mga kasong kanilang iniimbestigahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.