Inakusahan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Lam at apat na iba pa ng palabag sa 40 percent foreign ownership requirement para sa mga negosyo sa Pilipinas.
Ito ay dahil na rin sa pagkakaroon ni Lam ng bahagi sa Fort Ilocandia Resort Hotel sa Laoag City kung saan ito may casino na ipinasara kamakailan ng gobyerno.
Nakasaad sa complaint na nilabag ni Lam ang section 2-A ng Commonwealth Act 108 o ang Anti-Dummy Law. Dahil umano sa corporate layering, ang Fort Ilocandia, sa pamamagitan ng dummy companies nito ay nilabag ang batas.
Respondents din sa kaso sina Rosanno Nisce na dating presidente ng Fort Ilocandia; Siu Wah Chung, British national at dating Chairman ng Board of Directors; Edgar Lim, dating Treasurer at Director ng Fort Ilocandia; at Jose Roberto Mumuric, dating Secretary at Director ng Fort Ilocandia.
Ayon sa VACC, ang stockholdings ng Fort Ilocandia ay binubuo ng Ilocandia Corporation na 59 percent; IGL na 39 percent at wala pang isang porsyentong share ni Lam.
Habang ang stocks ng Ilocandia Holdings Corporation ay binubuo ng Sevenseas Holdings na 59 percent at Corpsmart Ltd. na 39 percent.
Pag-aari din ni Lam ang Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga kung saan nahuli ang mahigit isang libong Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa kanyang online gambling business.