Ex-BI intel chief Calima, kinasuhan ng plunder sina Argosino, Robles

 

Inquirer Photo | Julie Aurelio
Inquirer Photo | Julie Aurelio

Sinampahan ng plunder complaint ng nasibak na intelligence chief ng Bureau of Immigration na si Charles Calima sina Immigration Associate Commissioner Michael Robles at Al Argosino.

Ito’y may kaugnayan sa pagtanggap ng 50 milyong pisong suhol ng dalawa mula sa gambling tycoon na si Jack Lam upang aregluhin umano ang kasong kinakaharap ng mahigit isanlibong Chinese na nahuli sa casino ni Lam sa Pampanga.

Sa kanyang reklamo, isiniwalat ni Calima ang pagtawag umano ng retiradong pulis na si Wally Sombero sa kanya noong November 25, upang ireklamo ang paglapit umano nina Argosino at Robles upang ayusin ang naturang kaso ng mga Chinese.

Dahil aniya sa impormasyon, nagbuo na sila ng entrapment operation laban sa dalawa.

Diumano, nang matanggap na ng dalawa ang P50 million, humingi pa ng karagdagang P50 milyon ang mga ito mula sa kampo ni Lam.

Dahil dito, kinompronta umano ni calima ang dalawa at iginiit na may hawak siyang ebidensya laban sa mga ito.

Bilang bahagi ng kanyang plano, binantaan pa umano ni Calima si Argosino na isisiwalat ang eskandalo sa kolumnistang si Mon Tulfo.

Dito na siya binigyan umano ng 18 milyon ni Argosino na bahagi ng 24 na milyon na kanyang hati mula sa 50-milyong pisong bigay umano ni Lam.

Dahil aniya dito, malinaw na ipinapakita na ang pangingikil kay Lam ay malinaw na plano nina Argosino at Robles.

Ginamit lamang aniya ng dalawa ang ilang mga pangalan upang ipakitang emisaryo lamang sila sa naturang transaksyon.

Read more...