“Mga tanga kayo”.
Ito ang naging buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag ni U.N High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein na dapat na imbestigahan ang pangulo matapos aminin nito na pinatay niya ang tatlong kidnapper noong siya pa ang mayor ng Davao City.
Sa kanyang pahayag sa pagtitipon ng “Nanay volunteers” na isang community drug watch group sa Angeles City sa Pampanga, sinabi ng pangulo na karamihan sa mga opisyal ng United Nations ay inihahalal ng tao at ng bansa.
Wala aniyang karapatan ang sinumang U.N official na pagsabihan siya kung ano ang dapat niyang gawin para maresolba ang mga panloob na problema ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Duterte na ang sweldong tinatanggap ng mga U.N officials ay galing sa bulsa ng mga mamamayan ng mundo.
Paliwanag ni Duterte, hayaan ang pamahalaan ng Pilipinas na resolbahin ang pansariling problema lalo na ang iligal na droga.
Kapag nagpatuloy umano ang illegal drug trade sa bansa ay wala ring dapat sisihin kundi siya bilang pangulo ng Pilipinas.