Tabi-tabi muna ang mga kabayo. Ang race track ay para sa mga hinete muna.
Ngayong darating na araw ng Linggo, ika-31 ng buwan ng Mayo ay magsasagawa ng kauna-unahang footrace ang mga hinete ng National Philippine Jockeys Association , Inc.
Ayon kay Gilbert L. Francisco, pangulo ng NPJAI, taunang isinasagawa ang Jockey’s Day ngunit ngayon pa lamang magsasagawa ng footrace ang mga hinete.
“Ito po ay paraan namin para mapasaya din ang mga bayang karerista na walang sawang sumusuporta sa amin,” ayon kay Francisco.
Kauna-unahan sa Pilipinas ang footrace ng mga hinete ngunit sa ibang bansa tulad ng sa Estados Unidos ay matagal na itong ginagawa.
Bukod sa pagbibigay kasiyahan sa mga fans ng karera ng kabayo, ang footrace na ito ng mga hinete ay isa nagsisilbi ding fund raising para sa mga nabaldado ng mga hinete.
Labingdalawang dating hinete ang mabibiyayaan ng fund raising na ito. Ito’y sina EJ Tijam, CH Bernabe, EA Ventura, Jec ”The Maestro” Guce, LM Salvador Jr., JP Manalo Jr., JG Rodriguez, EF Daguis, RL Lagrata, RV Leona at LT Cuadra Jr.
Ang isang henete na tatakbo sa footrace ay puwedeng suportahan o deklaradong “sponsored” sa halagang limang libong piso.
“Malaking tulong sa labingdalawang dating henete ang pagsuporta ng mga racing fans, ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na kami,” ayon kay Francisco.
Ang footrace ay gaganapin sa Malvar, Batangas./Mary Rose Cabrales