Ginang patay, dalagita sugatan sa isa na namang pamamaril ng ‘death squad’ sa Mandaluyong

Kuha ni Jong Manlapaz

Isang dalagita ang nadamay sa patuloy na pamamaslang sa mga pinaghihinalaang tulak ng bawal na gamot.

Sa Sto. Rosario st. Brgy. Plainview Mandaluyong natamaan ng bala ng baril sa kaliwang binti ang 15-anyos na si Jennica Perez, matapos na sa tabi niya barilin si Annabelle Dela cruz na kilalang runner ng bawal na gamot sa lugar.

Ayon sa tanod na si Danilo Alabado, parehong naglalakad pababa ng Sto. Rosario st. si Dela Cruz at Perez nang lapitan ng dalawang armadong lalaki si Dela Cruz at pagbabarilin.

Sa takot, tumakbo papatakas si Dela Cruz habang sumunod naman sa kanya ang dalagita papasok ng eskinita kaya nadamay ito ng muling paputukan ng dalawang suspek si Dela Cruz na bagamat naisugod pa sa ospital ay binawian din ng buhay kalaunan.

Ayon kay Alabado, si Dela Cruz ay minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang pero hindi umano nagbago sa pagiging runner ng bawal na gamot.

Ilang oras bago ang pamamaril sa ginang, tatlo pang biktima ng pamamaril ang naitala sa Mandaluyong City.

Pawang mga lalakeng nakamotor umano ang pasimuno ng sunud-sunod na pamamaril sa lungsod.

Read more...