Panig ng mga pulis na sangkot sa Espinosa slay, kakampihan pa rin ni Duterte

 

Inquirer file photo

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na paniniwalaan niya pa rin ang panig ng mga pulis na nadadawit ngayon sa pagkamatay ni dating Albuera Mayor Rolando Espinosa, kahit pa hindi ito totoo.

Ayon sa pangulo, paniniwalaan niya ang mga pulis at sundalo dahil magkakasama sila sa pamahalaan at siya ang commander-in-chief ng mga ito.

Tulad ng ilang beses nang sinabi ng pangulo, poprotektahan niya ang mga pulis sa kampanya ng kaniyang administrasyon laban sa iligal na droga.

Gayunman, nilinaw ng pangulo na sa kabila ng pag-depensa niya sa mga pulis na nasasangkot ngayon sa pagpatay, kailangan pa rin ng mga ito na harapin ang isyu.

Giit niya, nasa ilalim naman niya ang Department of Justice kung talagang nanaisin niyang ayusin ang kaso, pero lumabas pa rin sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na isang rubout ang nangyari.

Dahil aniya dito, sinabi niya sa mga pulis na “we have to face the music.”

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon ng NBI na naging biktima ng rubout si Espinosa at ang kasama niya sa selda.

Read more...