Hinimok ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng New peoples Army, Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front na magsibababaan na sa bundok ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Sa talumpati sa 81st anniversary ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo, sinabi ng pangulo na kung ano mang armas ang hawak ngayon ng mga miyembro ng NPA, MILF at MNLF at dapat na itong ibaba.
Paliwanag ng pangulo, dapat magkaroon ng oras ang mga rebelde na makapiling ang kanilang pamilya ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Nauunawaan ng pangulo na bagaman hindi okasyon ng mga Muslim ang Kapaskuhan, dapat na magkaroon pa rin sila ng oras kasama ang kanilang pamilya.
Sakali aniyang magbabaan ng bundok ang mga NPA, MILF at MNLF members at makasalubong ang mga sundalo ay pinayuhan niya ang mga ito na makipag kamay na lamang….
Kung hindi naman aniya maatim ng mga sundalo at mga rebelde na magkamayan ay huwag na lang magtinginan sa isa’t isa.
Kasabay nito, nagdeklara ng holiday ceasefire ang pangulo sa mga rebelde na magsisimula sa December 23 hanggang 27 at sa December 31 hanggang January 3, 2017.