Negosyanteng si Andrew Tan, nangako ng 1.2-B para sa karagdagang rehab centers
Nangako ng 1.2 bilyong pisong donasyon ang grupo ng property tycoon na si Andrew Tan para para makapagpatayo ng mga karagdagang drug rehabilitation centers sa bansa.
Ito ang inanunsyo ng anak ni Tan na si Kevin, executive director ng Alliance Global Group Inc (AGI) kasabay ng pirmahan sa deed of donation ng 500-bed drug rehab facility sa Taguig.
Ang pasilidad sa Taguig ang ikalawa na sa donasyon ng grupo ni Tan matapos ang anunsyo nito ng kahalintulad na proyekto sa Davao.
Sa ilalim ng kasunduan, ang AGI ang magdi-disensyo at magtatayo ng bagong rehab facility samantalang pangangasiwaan naman ng Department of Health ang operasyon nito.
Ayon kay Kevin Tan, plano nilang maglagay pa ng mas maraming ganitong uri ng pasilidad sa iba’t ibang panig ng bansa upang malutas na ang problema sa droga sa Pilipinas.
Sa pondong 1.2 bilyong piso, posibleng makapagtaguyod pa ng hanggang dalawa pang rehab centers sa Visayas at Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.