Pagbibigay ng Christmas bonus sa star rank officials ng PNP, hindi na tuloy
Kung ang Presidential Security Group ay binigyan ng pamasko ni Pangulong Rodrigo Duterte, purnada naman ang inaasam na bonus ng mga opisyal ng PNP.
Imbes na daang libong pisong bonus ay malamang na tumanggap na lang ang mga PNP officials ng tig isang sako ng bigas.
Ayon sa Malakanyang at PNP, hindi na magbibigay ang pangulo ng cash bonuses sa star rank police officials.
Unang inanunsyo ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na naglaan ang pangulo ng isang daang libong piso hanggang apat na raang libong piso sa bawat isang star rank official.
Pero ikinadismasya aniya ito ng Palasyo.
Ayon kay Dela Rosa, ang naanunsyo niyang bonus ay hinintay pa lang nila kahapon.
Pero dahil aniya sa kanyang press con, kung saan natanong kung saan ang source ng bonus, na-discourage ang Malakanyang na magbigay.
Sinabi umano ng Malakanyang na baka bago mag Bagong Taon ay bigyan na lang ang mga opisyal ng PNP ng tig isang sako ng bigas.
Kinumpirma ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na wala ng bonus ang mga PNP officials.
Hindi raw nito alam kung saan nakuha ni Dela Rosa ang naturang impormasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.