Tatakbo si Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang running mate ni DILG Secretary Mar Roxas sa 2016 Elections kung siya ay ‘indispensable’ na para sa partido.
Sa panayam ng Nuebe Nubenta Report ng Radyo Inquirer, sinabi ni Robredo na sasabak siya bilang ka-tandem ni Roxas kung indispensable siya o kailangang-kailangan ng Liberal Party.
“Mahirap sabihin kasi hindi talaga opsyon. Siguro (tatakbong Vice President) kung indispensable ako! Pero ngayon kasi, hindi ko nakikita na darating yung punto na yun,” ani Robredo.
Pero sa ngayon, iginiit ni Robredo na hindi niya opsyon ang pagsali sa Vice Presidential Race, lalo’t may mga mas mahuhusay, mas handa at mas popular kaysa sa kanya.
Kung mayroon mang makapagpapa-iba ng kanyang pasya, inihalimbawa ni Robredo ang nangyari noong 2013 polls kung kailan tumakbo siyang Kongresista.
Ani Robredo, ayaw talaga niyang kumandidato pero dumating sa puntong indispensable siya at sumubok hanggang sa nanalo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Dagdag ni Robredo, usap-usapan lamang ang pagiging running mate ni Roxas at sa katunayan ay walang pang pormal na alok, lalo na mula kay Pangulong Noynoy Aquino.
Samantala, isandaang porsyento na naniniwala si Rep. Robredo na ‘deserving’ o karapat-dapat na mahalal na Presidente ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Sinabi ni Robredo na mayor pa lamang ang kanyang mister na si yumaong DILG Secretary Jesse Robredo ay malaki na ang kumpiyansa nila kay Roxas.
“Mayor pa lang ang asawa ko, cabinet secretary noon si Mar, malapit na sila ng asawa ko. Malaki ang paniniwala sa kanya ng asawa ko. Kahit noong magpe-Presidente sana siya (Roxas), malaki ang paniniwala ng asawa ko na deserving siya. Mahusay, matino, sa tagal sa gobyerno walang bahid ng katiwalian nan a-aattach sa kanya,” ani Robredo. / Isa Avendaño-Umali