2 nalunod, mahigit 27,000 katao inilikas dahil sa baha sa Samar

 

Dalawa na ang naitalang nalunod, habang kinailangan namang ilikas ang mahigit 72,000 na mga residente sa Samar Island dahil sa bahang idinulot ng walang tigil na ulan mula noong Sabado.

Sa ilang bahagi ng Samar, Eastern Samar at Northern Samar, umabot na sa anim na metro ang taas ng lebel ng tubig ayon na rin mismo sa Office of the Civil Defense-Eastern Visayas (OCD-8).

Sa Eastern Samar, 6,650 pamilya o 29,1966 na indibidwal ang inilikas; aabot naman sa 2,687 na pamilya o 11,438 katao ang inilikas sa Samar; habang 7,333 pamilya o 32,358 katao naman mula sa Northern Samar.

Nagdulot rin ng landslides sa iba’t ibang bahagi ng tatlong probinsya ng Samar ang patuloy na pag-ulan, na naka-apekto rin sa daloy ng trapiko dahil hindi madaanan ang ilang kalsada.

Kabilang sa mga kalsadang naapektuhan ay ang national highway na nagdu-dugtong sa Eastern Samar at Samar.

Isang bahagi naman ng Buray-Taft road ang gumuho rin dahil sa pag-ulan, kaya naman isinara muna ito gn Department of Public Works and Highways sa mga motorista.

Ayon sa Eastern Samar Disaster Risk Reduction Management Office, kabilang sa mga bayan na lubhang naapektuhan ng baha sa Eastern Visayas ay ang Maslog, Oras, Jipapad, Can-avid, Dolores, Taft at Sulat.

Tinukoy naman ang mga nalunod na sina Primitivo Lazarra at Elpedio Zacate, habang iniulat namang nawawala ang tatlong mangingisda na sina Ryan Oledan, Rommel Omlang at Renato Pagas mula pa noong December 15.

Tinatayang nasa P50 milyon naman na ang halaga ng mga napinsalang ari-arian at tanim dahil sa mga pag-baha.

Read more...