Duterte kay Callamard: Hindi kami gumagawa ng EJK
Muling inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang hamon kay United Nations special rapporteur on extrajudicial killings Agnes Callamard na makipag-debate sa kaniya.
Matatandaang noon pa man ay ito na ang hamon ni Duterte kay Callamard bago niya ito payagang imbestigahan ang mga umano’y paglabag sa mga karapatang pantao sa kasagsagan ng drug war ng pamahalaan.
Sa kaniyang talumpati sa 2016 Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas, sinabi ni Duterte na nais niyang malaman kung saan nakuha ni Callamard ang mga basurang kaniyang pinatutungkulan.
Nanindigan rin si Pangulong Duterte na walang katotohanan ang sinasabing state-sponsored killings dahil hindi naman susunod ang mga sundalo sa ganoong utos.
Giit ng pangulo, hindi sila gumagawa ng extrajudicial killings, dahil kung gagawin nila ito, magkakasa ng coup d’etat ang mga sundalo.
Magugunitang humiling si Callamard na alisin na ng pamahalaan ang kondisyon nito na panumpain siya at iharap sa debate kay Duterte kung magsasagawa siya ng imbestigasyon sa bansa.
Pero nanatili ang kagustuhan ng pangulo na patunayang mali ang mga sinasabi ni Callamard sa harap ng publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.